Mahalin Natin ang mga Magulang Natin

June 5, 2010 | In: Kwentong Pamilya

Honor Your ParentsHindi naman lingid sa atin na ang mga Pilipino ay mapagmahal lalong lalo na sa kanilang mga pamilya. Kanina nagpasama sa akin ang aking mahal na ina upang mag-withdraw sa isang bangko sa isang mall kasi malaki ang aming kukunin na halaga. At dahil sa ngayon ay weekend sarado ang mga bangko sa mga kanto kaya minabuti na namin magwithdraw sa isang mall. Umalis na kami ng bahay at habang asa sasakyan naalala ko nung bata ako. Nung lagi akong sinasama ng aking nanay kung saan siya magpunta. Sa pag-grogrocery, sa pagkuha ng padala ng tatay ko, sa pagbisita sa mga kamag-anak, sa pagsisimba at sa kung ano ano pa.

Nakapagpark na ko ng sasakyan at kami ay bumaba. Nang kami ay patawid na, inaalalayan ko ang nanay ko sa mga dumaraang sasakyan. Naalala ko tuloy nung bata pa ako na ako ang inaalalayan niya. Hawak-hawak niya ang kamay ko habang kami ay patawid. May edad na ang nanay ko. Isa na siyang senior citizen. At patanda na siya ng patanda. Nakikita ko yun at nararamdaman. Sa totoo lang natatakot ako kasi pag nakikita ko ang mga magulang ko para silang nauubos na kandila.

Alam ko lahat naman tayo pupunta dun. Pero wag naman ngayon. Hindi ko pa kaya. At parang hindi ko kakayanin. Kaya araw-araw at oras-oras sila ang naiisip ko. Palagi kong pinagdadasal na sana ay humaba pa ang buhay nila at ang kalusugan nila ay laging maayos. Naaalala ko yung mga sakripisyo nila at pagmamahal hindi lang sa akin kundi sa aming magkakapatid. Kaya ngayon sinusuklian namin yun.

Sa lahat ng mga anak, ipadama niyo ang pagmamahal niyo sa inyong mga magulang habang andiyan pa sila. Palagi natin silang intindihin at huwag bigyan ng sakit ng ulo. Kung mayroon man mga hindi pagkakaunawaan, intindihin na lang. Sabi nga, walang magulang ang hindi naghahangad ng maganda sa kanilang mga anak.

Opinyon ni Kwentuko: Naniniwala pa rin ako na ang mga magulang ay walang hinahangad na mabuti sa kanilang mga anak. Kung mayroon hindi pagiintindihan, intindihin na lang ng mga anak ang kanilang mga magulang at sa mga magulang ay sana suportahan ang kanilang mga anak sa mga bagay nitong nais makamit. Sa mga anak lagi sanang iparamdam ng mga anak ang pagmamahal nila sa kanilang mga magulang habang sila ay andiyan pa.

Related Posts with Thumbnails


1 Response to Mahalin Natin ang mga Magulang Natin

Avatar

sharine

January 19th, 2012 at 12:02 am

kay ganda po ng kwentong ginawa ninyu..

Comment Form